Labing-siyam na taon na akong tao. Ngunit tunay nga ba akong nagpapakatao?
Ilang pahina na ang binasa at sinulat ko para sa kursong Pilosopiya ng Tao. Ilang ulit na akong bumigkas sa harap ng guro, upang magpaliwanag at maglahad ng mga natututunan ko sa klase. Ngunit hindi lang din minsan kung tinatamaan ako ng katamaran. Nakakapagod mamilosopiya. Nang hindi ko namamalayan, naging isa na ako sa mga nagbibingi-bingihan sa "Lundagin mo, beybe!" at sa halip ay kopya nang kopya sa maliit kong notebook.
Ano nga ba ang tunay na pamimilosopiya? Susubukan ko munang talakayin kung ano sa palagay ko ang huwad na pilosopiya, at baka sakaling mas luminaw kung ano ang tunay.
Sa pagbukadkad at paglaya ng isip ng tao, darating ang pagkakataong mamumulat siya sa kalawakan at kayamanan ng Meron. Umiiral ako, at sa aking paligid ay tila walang hanggan ang mga maaring hanapin, tuklasin, at danasin. Hindi ko yata maiiwasang mamangha dito sa Kalahat-lahatang pumapalibot sa akin.
Ano ngayon ang gagawin ko sa gitna ng ganitong kahiwagaan?
Una, maari kong isiping ako’y isang napakaliit na detalye lamang sa Kalahatang ito, na ni hindi ko nga matalos ng lubusan. May pagkakaiba ba kung subukan ko mang unawaain ang Meron o hindi? Sa katunayan, may katuturan ba ang anumang pasya o kilos ko, samantalang tila isang butil lang ako ng buhangin kung ikukumpara sa buong kalawakan? Sa kasong ito, bigo yata ang pamimilosopiya. Nalunod ako sa kayamanan ng Meron. Nawalan ng halaga ang aking mga kilos, ang aking pagkatao, at samakatuwid, ang aking pag-iral.
Sa kabilang banda, maaring buong-puso kong tanggapin ang pagiging detalyado at mabutingting ng Meron. Masigasig kong susuriin ang bawat bagay, maliit man o malaki. Ang bawat gawain ko sa araw-araw ay dibdiban kong pagninilayan: Paano nagpapaka-sabon ang sabon? Ayon ba sa telos ko ang magsuot ng medyas na parehas ang kulay? Ginogoyo lang kaya ako ng tindera sa cafeteria? … at kung anu-ano pa. Sa pagsisikap kong yakaping ganap ang pilosopiya, tila naging anti-tesis ako sa layunin ng tunay na pilosopiya. Sa labis kong pagbubusisi, may sarili na akong mundo – na nagiging dahilan upang mawalay ako sa totoong mundong dapat sanang dinaranas ko. Sagabal imbis na tulong sa aking pamumuhay ang labis na pagkahumaling ko sa pagtatanong at pagsusuri sa mga detalye.
Maari ko ring gawin ang magpanggap na mamilosopiya. Paglalaruan at paiikut-ikutin ako ang mga konsepto, kunwari’y pinag-isipan at pinagmunihan ko, kahit sa totoo’y nagsaulo lamang ako ng mga detalye. Hindi ko talaga nauunawaan ang aking pamimilosopiya. Hindi ko nailalapit sa aking pamumuhay. Hindi ko ginagawa.
Ang tunay na pilosopiya ay umaapaw sa totoong paggawa: isang aktibong gawain kung saan palaging bukas ang aking isip at pandama sa pagdanas sa Meron. Kung namimilosopiya akong talaga, lagi kong mararamdaman ang udyok na tumugon at makisalamuha sa Meron. Sa mismong pagtatangka ko pa lamang na mamulat sa aking paligid, tumutugon at nakikisalamuha na ako. Mahigpit ang pagkakatali ko sa Meron at ng Meron sa akin. Kung ako ay isang halaman, ang Meron ay ang hangin na bumubuhay sa akin. Sa mismong pagpapaka-halaman ko, nagsasagutan kami ng Meron; kapwa naming pinapatubo at pinapayaman ang bawat isa.
Kung intrinsikong bahagi ng pamimilosopiya ang aktibong paggawa at pagtugon, tunay na magkakabit pala ang pamimilosopiya at pagpapakatao. Hindi ko maaring gawin ang isa nang hindi ginagawa ang isa pa. Sinusubukan kong kilalanin at tanggapin ang tawag ng Meron sa pilosopiya, at sabay nito sinusubukan kong tugunan ang tawag na ito sa aking pagpapakatao.
Ngunit ano nga ba ang tawag ng Meron na kinikilala, tinatanggap, at tinutugunan ko? Marami nang nasabi tungkol dito: Tinatawag ako ng meron na dumanas, kumilatis, patubuin ang Meron, magpaka-ako… at kung anu-ano pa. Ngunit naniniwala ako na sa huli, ang buod ng tawag ng Meron ay ang pakikipagkapwa. Nagiging makabuluhan lamang ang pag-iral at pagdanas ko dahil mayroon akong kapwa.
Itatanong ninyo, “Ibig sabihin, hindi ako maaring magpakatao nang mag-isa?” Ano sa tingin ninyo? Anong saysay ng pagpapaka-ako, kung walang hindi-ako, walang ikaw, walang siya? Ang tawag ng meron ay lumilinaw sa akin dahil sa aking kapwa. Sa kapwa tao ko nauunawaan ang kahulugan ng analogia, hindi lamang sa ating mga tao… kundi pati ang analogia nating mga linalang sa totoong Meron, ang Lumalang.
Kahit na ang pilosopiya ay sadyang pansariling gawain (Ako lamang ang maaring mamilosopiya para sa aking sarili.), lagi nitong binubuksan ang aking sarili sa pagdanas sa hindi-ko-sarili. Gayundin, ang pagpapakatao ay, sa katotohanan, pakikipagkapwa-tao. Hinahanap ng bawat isa ang tunay na kaligayahan para sa sarili at para sa kapwa. Tunay na kaligayahang hindi katumbas ng makamundong kayamanan, aliw, at kapangyarihan. Sa pagpapakatao, sinisikap kong abutin ang mabuti hindi lamang para sa aking sarili, kundi para sa ibang tao.
Ang kakayahan ng taong tumungo sa Mabuti ay isang likas na kakayahan, ngunit patuloy na sinasanay at pinag-aaralan upang lalong tumalas at humusay. Maraming paghihirap ang sumusubok sa tao habang nabubuhay siya, at dito tumitindi ang hamon upang manatiling mabuti.
Dahil namumulat ako sa pagkakabuklod ko sa aking kapwa at sa Lumalang, nauunawaan ko na may kahulugan pala ang pagmemeron ko. Hindi na ako mabubulagan na ako’y detalyeng walang halaga. Hindi ko sasabihing, “Tao lang ako, isa sa bilyun-bilyon sa mundo. Ano ba ang magagawa ko?” Hindi rin, “Aba! Tao yata ako. Kaya kong gawin lahat nang mag-isa.” Sa halip, sasabihin kong, “Tao ako, katulad at kaiba sa mga kapwa ko. Tao akong pinagsisikapang lapitan ang isang Diyos na lumikha sa lahat.”
Ibig sabihin ba nitong alam ko na ang lahat? Nauunawaan ko na ang lahat tungkol sa akin, sa aking kapwa, sa Diyos, sa lahat? Hindi yata. Sa katunayan, hindi pa rin nawawala ang pagtataka ko sa pagmemeron ng lahat ng nabanggit. Hindi ko hawak ang mga sagot. Sa halip, sa kabuuan ng pagmemeron ko, mga tanong lamang ang kaya kong panghawakan. Gaano man kaligaya, kapayapa, at kaayos ang buhay ko, sa huli’y pulos pagtataya lamang ang nagawa ko. Gumawa man ako ng daan-daang libro ukol sa mga nauunawaan ko, sumulat man ako ng (syn)tesis ukol sa lahat ng natutunan ko, hindi nababawasan ang pagtatanong, ang pagtataka, at ang paghahanap. Ako ay isang tunay na tanong.
Sinasabi ko sa tesis, na bilang mga tanong mayroon tayong kinakasalamuhang isang sagot, ang Mabuti. Ngunit, naisip ko, ito nga ba ang sagot na natagpuan ko sa aking pamumuhay? May natagpuan na nga ba akong sagot? Nambobola lang ba ako sa tesis ko, dahil magandang pakinggan na may tunay na sagot ang tunay na tanong? Kung gayon, niloloko ko lang ba ang sarili ko sa pagsabing natagpuan ko na ang sagot, ang Mabuti? Sinasalungat ko ba ang sarili kong pahayag?
Oo, naniniwala ako na mayroong sagot. At na ang sagot na iyon ay ang Mabuti. Alam kong sinusubukan kong magpakabuti, at may tumatawag sa akin upang gawin iyon. May bumubulong sa akin na huwag magsigarilyo, huwag magpabaya sa pag-aaral, na paginhawahin ang buhay ng aking pamilya. Hindi laging malakas ang mga bulong na iyan. Ngunit nanduon pa rin.
Samakatwid, nababawasan ba ang pagpapaka-tanong ng isang tanong kung may natagpuan na itong sagot? Hindi. Sa katunayan, lalo pang pinagtitibay ang pagiging tanong nito sapagkat mayroong sagot na walang-katapusang humihila at umaakit dito. Hindi nababawasan ang pagpapakatao ko dahil may isang Diyos na palaging tumatawag sa akin at sa ating lahat. Lalo pa ngang yumayaman ang pagpapakatao ko dahil sa liwanag na nagmumula sa Kanya.
Bagama’t alam kong may Diyos, at naniniwala akong Siya ang sagot sa tunay na tanong ng tao, hindi nababawasan ang paghahanap at pagtataka ko sapagkat hindi ko pa Siya lubusang nauunawaan at nakikilala. At kahit na hindi ko Siya lubusang mauunawaan kailanman, Siya pa rin ang direksyon ko, ang tinutungo ko. Siya ang nakikita ko sa kalooban ko, at sa kalooban ng aking kapwa.
Kung imumulat ko lang ang aking mga mata, magugulat ako sa tunay na kagandahan at katatagan ng kalooban ng tao, at sa kakayahan kong mahalin at alagaan ang kapwa ko dahil dito. Sa palagay ko, ito’y hindi lamang dahil sa pananagutan. Ang kakayahan nating gumawa ng mabuti, umibig, at magmahal sa ating kapwa ay ang nagmumula sa umaapaw na pag-ibig ng walang-hanggang Diyos.
Sa katapusan, sinasanay ko pa rin ang sarili ko sa pagtatanong. Minsan, tinatamad pa rin akong mamilosopiya at magpakatao. Ngunit andiyan palagi ang Sagot. Hindi tumitigil sa pagtawag sa akin. Maari ba namang hindi ako magtanong?
posted on 1:20:00 AM
borgy said...
vannie! tag-board na!
www.tag-board.com
Zippy said...
ang daya talaga. paano mo naiisip ang lahat ng mga bagay na iyan? Pilosopa ka na ba?